Tawang-tawa ang klase nang mapag-usapan natin ang template para sa mga action films. Kabisado na natin ang lahat ng magaganap: ang gwapo at batak na bida na makikipag-away sa mga masasamang kalaban upang maligtas ang kanyang magandang kasintahan. Napakaraming action films pero magkakatulad ang balangkas at pare-pareho lamang ang mga pangyayari. Hindi naman tayo umaangal. Sa katunayan, hinahanap-hanap pa nga natin ito, e. Hinahanap natin ang pamilyar. Ganoon din ang ating ginagawa sa mga paborito nating kanta o palabas – paulit-ulit pinakikinggan, araw-araw pinanonood. Alam mo na pero uulit-ulitin mo pa. Bakit?
Mukhang magkakasundo kami ni Hans Robert Jauss pagkat nahumaling ako sa kanyang ideya ng horizon of expectations. Ako mismo’y ayaw sa mga sorpresa, gusto kong ako ang in-charge. Kung hindi ko man kontrolado ang magaganap, kinakailangang mabatid ko ito. Alam man lamang, puwede na rin. Basta hindi ako mabibigla. Ayokong nagugulat. Kahit sa mga simpleng bagay lamang, gusto ko ng constancy at familiarity. (Ang ganda ng mga salitang ito sa Ingles. Mayroon sigurong katumbas na termino sa Filipino ngunit walang angkop na resultang lumabas sa Google Translate, paumanhin po.) Doon napapalagay ang aking loob. Mula paggising hanggang pagtulog, planado na ang aking araw: papasok sa Ateneo, mag-aaral, kakain ng tanghalian, makikipagkuwentuhan sa mga kaibigan, papasok muli sa klase, uuwi, gagawa ng takdang-aralin, mag-iinternet, matutulog. Simple ang iskedyul, nakaiinip minsan pero ayos lang. Mas mabuting ganoon. Iyon na ang nakagawian.
Mapapansin sa larawan sa itaas na mahilig din ako sa mga sunrise at sunset. Gaya nga ng nakasaad sa paliwanag, hindi natin napapansin ang pagsikat at paglubog ng araw, isang nakahahangang likha ng Diyos. Ito’y mga kaganapang patuloy, paulit-ulit at hindi nagbabago. Siguradong-sigurado ako na bukas, sisikat ang araw sa umaga at sa hapon, ito’y lulubog. Kung iyo’y hindi nangyari, hala. Malalagot tayo. Sa pagsikat at paglubog ng araw, may sense of familiarity pero may kakaiba’t hindi inaasahan pa rin. Ang paghahalo ng mga kulay ay nagbabago – malimit ay dilaw na may kasamang kahel pero and paborito ko ay iyong kulay rosas o lila. Nakatutuwang pagmasdan ito, para bang ako’y nakararanas ng katahimikan at kapayapaan tuwing ito’y aking nakikita.
Hindi naiiwasan ang unexpected. Sa buhay ng tao, hindi natin alam ang lahat at lalong hindi tayo ang laging masusunod. Kaya siguro nais nating makontrol ang maliliit na bagay, kasi hanggang doon lamang ang kaya nating kontrolin. Madalas nating marinig na “Life is full of surprises” o kaya naman “Expect the unexpected.” Maaaring takot lamang ako sa pagbabago kaya mahilig ako sa kinaugalian. Pero hindi naman masamang panghawakan ang pamilyar, 'di ba?
~ 0 comments: ~
~ Post a Comment ~