Monday, January 23, 2012

R.I.P. at La India Elegante Y El Negrito Amante




“Sirko? Hindi bale ang sirko; ang papatay sa ating kompanya ay ang mga sarswelang Tagalog." 


‎Mali si Colas nang sabihin niya ang linyang ito. Naniniwala akong hindi pa sila patay. Umaasa akong ipinaglalaban pa rin nila ang sining, kahit mahirap, kahit kumokonti ang taga-suporta at kahit nawawalan sila ng pag-asa paminsan-minsan. 


Sa panonood ng dulang R.I.P. at La India Elegante Y El Negrito Amante, nalahad ang transpormasyon at kamatayan ng Pilipinong sining – mula sa komedya, naging sarswela at kalauna’y naging pelikula. 


Pagpasok namin sa teatro, napansin ko agad ang puti at walang kalaman-lamang entablado. Ako’y nagtaka kung bakit walang disenyong nakalagay at kung bakit pahilis ang plataporma. May kakaibang balak pala sila. Ang pinakahuling senaryo ang lubos na nakaagaw ng aking pansin. Nang biglang lumabas ang kabaong, nabatid ko na ang rason sa likod ng simpleng disenyo ng entablado. Magaling ang kanilang pagkakagawa at nagamit nang husto ang espasyo. Ito’y malikhaing ideya na tumatak sa isip ng mga manonood. Makahulugan ang pagpasok ng mga aktor sa kabaong. Sinasagisag nito ang tuluyang pagbagsak ng industriya. 


Natutong mag-agwanta at i-angkop ng kompanya ni Colas ang kanilang mga sarili para pumatok sa masa. Ito’y isang malungkot na katotohanan. Nawawala na ang diwa ng kanilang gawain at pag-arte para matugunan ang kagustuhan ng madla. Ngunit hindi pa rin ito sapat para mapagpatuloy ang anumang anyo ng sining. Kahit sa kasalukuyang panahon, nararanasan pa rin natin ang isyung ito. Oo, may mga dula pa namang naitatanghal, lalo na rito sa Ateneo. Pero marami pa bang sumusuporta sa mga ito? Kung hindi kailangang panoorin ang R.I.P. para sa klase, sa totoo lamang, siguro’y magdadalawang-isip muna ko bago bumili ng tiket. Humihina na ang ating pagpapahalaga sa Pilipinong sining. Sana makilala at maitaguyod natin ito. Sana, tulad ng mga tauhan sa dula,matuto tayong makiisa. Nang matanggap ni Colas ang sulat mula kay Senorita San Miguel, nawalan na siya ng pag-asa. Siya’y napagod na’t sumuko. Gayunman, nakuha niya ang suporta mula sa kanyang mga kasamahan. Sama-sama sila, saan man mapunta. Nakahahanga ang kanilang pagkakaisa. Sana ganoon din ang ating bayan. Sana hindi natin hahayaang dumating ang dramatikong wakas ng R.I.P. 




~ 0 comments: ~

~ Post a Comment ~

+

Powered by Blogger.

Blog Archive