Tuesday, January 31, 2012

Ang Mahiyaing Bata


Si Jose Garcia-Villa ay isang manunulat na tunay na kakaiba. Sa ilan niyang tula, hindi mga salita ang kanyang ginamit kundi simpleng bantas. Hindi ko akalaing posible pala ang tulang walang salita. Pero malalim at nakabibighani ang dala nitong mensahe, mapapaisip talaga ang mambabasa. Ang unang interpretasyon ko nito ay ang karaniwang ideya na nakatungo ang ‘ulo’ ng kuwit, parang isang mahiyaing taong nagtatago sa mundo. Pero may iba pa palang pag-unawa sa tula: ang kuwit na nagpapaka-martir. Nandoon siya, nakikita natin pero hindi pinapansin. Kung ating iisipin, maraming martir sa paligid.
Ang ‘di pagkilala ay pagkilala. Mapanuya mang pakinggan, may kahulugan ito. Tulad ng isa pang tula ni Garcia-Villa, ang The Emperor’s New Sonnet, walang salitang makikita. Walang tunog na maririnig tuwing babasahin ang tulang The Bashful One. Ang katahimikang ito, ang hindi pagkilala, ay nagiging pagtanggap natin sa tula. Sinasabi ng kuwit, “Nandito ako pero hindi mo ako kailangang pansinin.” May tono itong emo, parang inaapi at minamaliit. Ganito rin ang sinasabi ng mga martir sa paligid: ang mahihirap. Nandiyan sila, kitang-kita at hindi maikakaila, pero paano natin sila tratuhin? Madalas, hindi ko rin sila pinapansin. Pinipili kong huwag pagmasdan, huwag kilalanin, huwag tignan sa mga mata. Pero hindi ibig sabihin na mawawala sila. Sa katunayan, ang hindi pagpansin sa mga dukha ang lalong nagpapatotoo sa realidad na kanilang karalitaan. Habang wala akong ginagawa, mananatili sila roon - patuloy na nagugutom, namamalimos, naghihirap.

Ito ang aking interpretasyon ng tulang The Bashful One.

Ang imaheng ito ay kinuha ni Kevin Carter na nanalo ng Pulitzer Prize. Hinaharap ng batang mula sa Sudan ang panahon ng taggutom noong 1993 kaya siya’y patungo sa isang United Nations food camp. Tatlong buwan matapos itong kuhanan ni Carter, siya’y nagpakamatay. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring tumungo sa http://www.npr.org/templates/story/story.php?storyId=5241442.

~ 1 comments: ~

Edgar Calabia Samar says:
at: February 2, 2012 at 8:28 PM said...

Binibigyan kita ng +1 na letter grade para sa entring ito.

~ Post a Comment ~

+

Powered by Blogger.

Blog Archive