Saturday, January 14, 2012

Akong Bahala Sa'yo





Ang sarap ng pakiramdam na hindi ka responsable para sa anumang bagay, na wala kang pananagutan para sa sinumang tao. Wala kang iniintindi, wala kang pinoproblema. Madali ang ganoong buhay. 

Pero sadyang makulit ang tao, pinapahirapan ang sarili at ginagawang komplikado ang mga bagay-bagay. Ginugusto niyang magkaroon ng kahulugan ang buhay at paano niya ginagawa ito? Siya’y nagmamahal. Siya’y nagkukupkop, nag-aalaga at sumusuporta. Siguro, ganyan talaga ang tao.

Sa pelikulang The Unbearable Lightness of Being, iyan ang ginawa ng mga bidang si Tomas at Tereza. Noong una, hambog at maangas si Tomas. Litong-lito nga ako habang siya’y pinapanood pagkat may dalawang magkaibang personalidad na nalahad sa iisang tauhan. Isa nga rito ang babaerong Tomas, at ang isa nama’y ang Tomas na mapag-aruga at mapagmalasakit. Parang naglalamangan ang dalawang magkasalungat na karakter, gaya ng paglalaban ng bigat at gaan ng pakiramdam - ng desisyong maging responsable o iresponsable. Itong tunggaliang nagaganap sa loob ni Tomas ay pilit na iniintindi at tinatanggap ni Tereza, bagaman siya’y nasasaktan. Pero kahit anong gawin niya, hindi niya maunawaan kung bakit ganoon umasta ang kanyang asawa. Gayon pa man, sa gitna ng kaguluhang ito, may isang nangingibabaw na katotohanan. Alam na ng manonood ang sagot sa tanong ni Sabina para kay Tomas, “What do you care about?” Halata namang mahal niya si Tereza. Ngunit ako’y may kaunting pagtataka pa rin kung bakit siya ang kanyang napili. Bakit ang simpleng babae mula sa payak na syudad ang nagpabago sa lalaking ito? At bakit silang dalawa ang nagmahalan? Pinili ni Tomas na maging responsable kay Tereza, para bang sinasabi na “Huwag kang mag-alala, sagot kita. Akong bahala sa’yo.” Nagsakripisyo siya para sundan si Tereza sa kung saan-saang lugar. Nainggit nang makitang may ibang lalaking kasayaw ang asawa, pagkat siya lamang ang maaaring gumawa noon. Siya lamang ang mag-aalaga at magmamahal sa kanya. Lahat ito’y kanyang ginawa upang mapasaya ang pinakamamahal niya. Walang hiniling na kapalit. Basta masaya si Tereza, masaya na rin si Tomas. 

Nang sila’y nasa Switzerland, nakadepende si Tereza kay Tomas at sobrang bigat na ng nadarama niya, hindi na niya nakayanan ito. Kaya gaya ni Sabina na sanay sa buhay na ‘magaan’, siya’y kalaunang tumakas. Sabi pa niya kay Tomas, “Dapat tinutulungan kita pero nagiging pabigat ako.” Ako mismo, ayoko ring maging pabigat. Ayaw na ayaw kong humingi ng pabor mula sa mga tao, ayaw kong nahihirapan ang iba dahil sa akin. Kahit sabihin pa niyang ayos lang kasi handa siyang gawin ito para sa akin, inaayawan ko iyon. Para bang sinasagot ko sa kanya na “Kaya ko ang sarili ko.” May sarili rin akong tunggalian ng pagbigay at pagtanggap ng pag-ibig. Pero naiisip ko rin na ako’y maswerte, kasi ang taong pumiling maging responsable sa’kin ay siya ring aking pinananagutan at napagkakatiwalaan.  

Balik na tayo sa peliklula. Nang malapit nang mamatay ang kanilang alagang aso na si Karenin, paulit-ulit sinasabi ni Tereza sa kanya na “Don’t be scared.” Ito rin ang kailangan nilang marinig. Ito ang sinasabi nila sa kanilang sarili: huwag matakot magmahal. Kahit mahirap kumalinga, kahit mahirap iugnay ang sarili sa isang tao, ito’y walang kasinghalaga.

*** Naging interesado ako sa nobelang ito at nang malaman kong may pelikula, agad ko itong pinanood. Kahit medyo mahaba ito at may mga bulgar na tagpuan, naintriga pa rin ako ng konsepto’t storya. Syempre, laging mas maganda ang libro kaysa sa pelikula, kaya pinangako ko sa aking sarili na basahin ang libro sa sandaling makahanap ako ng kopya.

~ 2 comments: ~

Edgar Samar says:
at: January 15, 2012 at 6:33 AM said...

Natutuwa akong nagawa mong panoorin ang pelikula mula sa ating talakayan. Nawa'y magkaroon ka nga ng panahon upang mabasa ang nobela sa hinaharap. Binibigyan kita ng +1 para rito.

jonahcabochan says:
at: January 17, 2012 at 2:50 PM said...

Salamat po, Sir! :)

~ Post a Comment ~

+

Powered by Blogger.

Blog Archive